12 March 2025 – Cabanatuan City, Bumaba sa 0.8 percent ang inflation rate sa Nueva Ecija sa buwan ng Pebrero 2025. Ito ang iniulat ni Mr. Rommel L. Payawal, Senior Statistical Specialist mula sa Philippine Statistics Authority- Nueva Ecija sa ginanap na Virtual Press Conference noong Marso 12, 2025, ika-4 ng hapon via Google Meet at Facebook Live. Ang buwanang Press Conference ay isinisagawa ng PSA-Nueva Ecija alinsunod sa direktiba mula sa National Statistician ng PSA, Usec. Claire Dennis S. Mapa kung saan pinag-uulat ang mga PSA Provincial offices sa buong bansa ukol sa napapanahong kalagayan ng paggalaw sa presyo ng mga produkto at serbisyo sa bawat probinsya sa nakalipas na buwan. Ang Inflation Rate ay ang pagbabago ng presyo kumpara sa kaparehong buwan ng nakalipas na taon, gayundin sa presyo kumpara sa nakalipas na buwan ng mga pangunahing produkto at serbisyo na nakapaloob sa market basket ng isang lalawigan. Ang press conference ay isinasagawa sa pamamagitan ng Google Meet at umeere ng live sa opisyal na Facebook Page ng PSA Nueva Ecija. Ito ay dinaluhan ng mga ka-partner na Radio Station mula sa Media, ang DWNE. Gayundin, nakibahagi din ang mga representante mula sa Provincial Agriculturist Office (OPA-Nueva Ecija) at Provincial Field Office ng Department of Trade and Industry (DTI-Nueva Ecija).

Noong Pebrero 2025, ang inflation sa Nueva Ecija ay tinatayang nasa 0.8 porsiyento, mas mababa sa 2.5 porsiyento na naitala noong buwan ng Enero 2025. Samantala noong Pebrero 2024, naitala sa 6.9 porsyento ang inflation rate sa probinsya. Ayon sa resulta, tatlo sa mga nag-ambag sa pagbaba ng inflation sa probinsya ay ang mga sumusunod na Commodity Groups; Food andNon-alcoholic Beverages tulad ng mga Gulay, Cereals and Cereal products na nakapagtala ng 0.1 porsiyento mula sa 2.5 porsiyento;Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels tulad ng Elektrisidad, Liquified Petroleum Gas (LPG) at Renta sa mga Paupahang Bahay na may 2.2 porsiyento mula sa 4.8 porsyento; at Transport tulad ng gasolina at Diesel na may (-2.7) porsiiyento mula sa (-0.9) porsiyento kumpara sa nakalipas na buwan.
Matapos ang ulat patungkol sa Inflation, ang PSA-Nueva Ecija ay tumanggap at sumagot sa mga katanungan na ipinadala ng mga nakapanood sa Google Meet gayundin sa comment section ng Facebook Live.
Para sa kumpletong detalye ng Inflation para sa buwang ng Pebrero 2025, maaari itong makita sa link na ito, http://psa.gov.ph/price-indices/cpi-ir.
GIRLIE G. DE GUZMAN
Supervising Statistical Specialist
OIC, Nueva Ecija Provincial Statistical Office