Ang pinaka-hihintay na registration ng edad 1-4 sa Philippine Identification System at pagkakaroon ng ID ay naganap na nitong nakaraang Pebrero 09, 2024. Nag-umpisa na ang Nueva Ecija sa paghahanap at pang-hihikayat ng mga magulang na iparehistro ang kanilang mga anak. Kaalinsabay nito ay ipinaliliwanag rin ng aming mga manggagawa na ang identification card para sa mga batang apat na taong gulang pababa ay nagbibigay ng proteksyon at seguridad sa kanilang kaligtasan at kapakanan, ito rin ay kapaki-pakinabang din sa kanila para makapag-avail sila ng benepisyong nauukol sa kanilang pagiging mamamayang Pilipino.
Nagpalabas din ng Office Memorandum No. 2024-47 and PSA na nagsasaad na ang pagrerehistro ng mula isa hanggang apat na taong gulang (1-4) na bata ay nangangailangan ng gabay ng magulang o tagapag-alaga. Kinakailangan din na sila ay napagkalooban na ng orihinal na National ID o ePhilID na kanilang ipipresenta sa pagrerehistro ng kanilang mga anak.
Gagamitin ito para sa pag-uugnay ng PhilSys Serial Number o PSN ng magulang/tagapag-alaga at anak. Pagdating naman ng limang taong gulang ng mga bata, ay nito pa lamang kukuhanin ang kanilang mga biometric data kasabay ng pagkakaroon ng indibidwal na PSN.
Mula Pebrero 09, 2024 hanggang sa kasalukuyan, ang Nueva Ecija ay nakapagtala at nakapagrehistro ng 2,276 na indibidwal edad isa hanggang apat na taong gulang. Ayon sa CPH 2020, ang probinsya ng Nueva Ecija ay may 222,523 na batang limang taon pababa.
Ang PhilSys Team Nueva Ecija ay patuloy na nagsasagawa ng mga aktibidad tulad ng pagpunta sa panayam sa radyo, pagpapalaganap ng social media cards sa iba’t-ibang hatirang pangmadla ukol sa pagpagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa pagpaparehistro ng bawat mamayang Pilipino edad isang taong gulang pataas. Naglalayon ang Philippine Identification System na mairehistro ang isan-daang porsyento (100%) ng populasyon bago matapos ang taon.
Disclaimer:
Ang Philippine Statistics Authority ay pinagkalooban ng pahintulot ng mga magulang na magamit ang mga larawan ng kanilang mga anak.
ENGR. ELIZABETH M. RAYO
Chief Statistical Specialist