Sa layuning maisama ang ating mga nakatatanda sa pambansang sistema ng pagkakakilanlan, isinagawa ang “ID Para Kay Lolo at Lola: National ID Registration sa Nueva Ecija!” sa pakikipag-ugnayan nina Mark Joseph U. Briguela – Registration Officer II at Ezairo Rafaino A. Buenaventura – Information System Analyst I sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng Siyudad ng Gapan. Ang aktibidad na ito ay naisakatuparan sa ilalim ng masigasig na pamumuno ni G. Danilo V. Cruz, OSCA Head ng lungsod.
Matapos ang matagumpay na koordinasyon sa Siyudad ng Gapan, nagpatuloy rin ang grupo sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang OSCA offices sa iba pang lungsod at munisipalidad sa Nueva Ecija. Layunin nitong mas mapalawak pa ang saklaw ng serbisyo at matiyak na walang senior citizen ang mapag-iiwanan sa programang ito. Sa bawat lugar na dinalaw, katuwang ang mga lokal na OSCA heads at opisina, isinulong ang inklusibong rehistrasyon na tunay na sumasalamin sa adhikain ng National ID—ang pagkilala at pagbibigay-halaga sa bawat Pilipino, anuman ang edad.
Matapos ang isang linggong koordinasyon sa mga OSCA offices, nagkaroon ng nakatakdang iskedyul ng National ID Registration sa iba't ibang siyudad at munisipalidad. Sa bawat lokasyon, isinagawa ang pagrerehistro ng mga senior citizens sa National ID dahil ito ay kinakailangan sa kanilang pension o pay-out. Ang mga nakarehistrong senior citizens ay binigyan ng pagkakataon na makumpleto ang kanilang mga dokumentasyon upang matanggap ang mga benepisyo, tulad ng mga pensiyon at iba pang ayuda mula sa gobyerno.
Ang masusing pag-organisa at pag-iskedyul ng pagpaparehistro ay nagbigay daan sa mas mabilis na proseso at pag-aasikaso sa mga senior citizens, lalo na sa mga nangangailangan ng ID para sa kanilang mga benepisyo. Sa ganitong paraan, mas naging accessible at komportable para sa kanila ang proseso, na may layuning mapadali ang kanilang pag-aavail ng mga karapat-dapat na benepisyo mula sa pamahalaan.
GIRLIE G. DE GUZMAN
Supervising Statistical Specialist/OIC